Tuesday, August 20, 2019

Pagkakaroon ng Nurse sa bawat barangay, iminungkahi ni Rep. Camille Villar


Nais ni Las PiƱas City Camille Villar na magkaroon ng nurse sa bawat barangay para matutukan ang kalusugan ng publiko at mabigyan ng trabaho ang mga nurse na walang mapasukan.

Sa House Bill No. 3312, sinabi ni Camille na maraming registered nurse ang walang mapasukan matapos na mabawasan ang pangangailangan ng mga Pinoy nurse sa ibang bansa.

Ayon sa mambabatas, tinataya ng Professional Regulation Commission (PRC) na noong Enero 2014, nasa 300,000 nurses sa bansa ang walang trabaho, at pinapangambahang madaragdagan pa.

Ngunit sa halip na isiping problema ang malaking bilang ng mga nurse na walang trabaho o underemployed, sinabi ni Camille na dapat gamitin itong oportunidad para sa kapakinabangan ng mga Filipino.

Ayon sa kanya, magagamit ang mga nurse para mapahusay ang health services sa mga barangay, lalo na sa mga malalayong lugar, kung malalagyan ng nurse ang bawat barangay sa bansa.

“The government may engage the services of the nurses to be at the forefront of the government health care programs,” ayon sa neophyte solon. 

“The government mobilize and utilize these unemployed or underemployed nurses by dispatching at least one registered nurse to every barangay in the Philippines. This will not only address the problem of the unemployment and underemployment of our professional nurses, but will be considered a leap in improving the health service delivery in the country,” dagdag niya.

Sa ilalim ng panukala, dapat may lisensiya mula sa PRC ang nurse at sasailalim sa pagsasanay at pagsala ng Department of Health (DOH) bago maipadala sa barangay.

Kailangan niyang magbigay ng ulat sa lokal na pamahalaan at magrekomenda ng mga kailangan gawin para sa kagalingan ng kalusugan ng mga mamamayan sa barangay.

“Nurses under this program are required to provide an annual health status report regarding the average health and wellness of the barangay and must provide suggestion to the local government units to improve the health and wellness of all citizens of the barangay,” saad sa panukala.

Dapat namang makatanggap ng buwanang sahod ang mga nurse na katumbas ng Salary Grade 15 na minimum entry-level pay sa mga government nurse.

Ang DOH at Department of Interior and Local Government (DILG) ang inaatasan sa panukala na magpapatupad ng programa kapag ganap na itong naisabatas.