Tiniyak ni House Majority Leader Martin Romualdez na pinakamalaking bahagi ng 2020 budget ay mapupunta sa social at economic services.
Sinabi ito ni Romualdez kasunod ng pulong kagabi sa harap ng 44 members ng Visayan Bloc kung saan kabilang din ang mambabatas.
Pagtitiyak ni Romualdez, ang social at economic services ang higit na pagtutuunang pansin sa paglalaan ng pondo para sa susunod na taon para matugunan ang benepisyo at pangangailangan ng mga mahihirap na kababayan.
Siniguro din ng kongresista ang epektibong paggamit at tapat na paggasta sa pambansang pondo na mapapakinabangan ng publiko.
Nakiusap din ito sa mga myembro ng Visayan Bloc na iwasan ang paulit-ulit na pagtatanong sa mismong budget deliberations bunsod na rin ng maikling time frame na itinakda ng Kamara para maaprubahan agad ang 2020 budget at hindi matulad ang kapalaran nito sa 2019 national budget.
Dagdag pa ni Romualdez, dadaan sa normal at transparent na proseso na deliberasyon ang national budget upang talakayin ang merito at ihatid ang pangunahing layunin na mapagsilbihan ang publiko.