Pinuna ni 1-Pacman Partylist Rep. Eric Pineda ang kawalan ng Earthquake Recording Instrument o ERI ng Batasang Pambansa na aniyay malinaw na paglabag sa National Building Code of the Philippines.
Ayon kay Pineda, nararapat na magkaroon ng ERI o "accelerograph" sa Batasan complex na makakatulong sa data analysis sa tuwing may mga pagyanig.
Ang "accelerograph" ay isang uri ng sensor na nagmomonitor sa response ng isang gusali sa tuwing may pagyanig na nagagamit naman bilang basehan kung ang lindol ba ay makakaapekto ng malaki o hindi.
Nilinaw naman ni Pineda na hindi lamang ang Batasang Pambansa kundi mayorya ng mga gusali sa buong bansa ay walang ganitong sistema.
Inihain naman ng 1-Pacman ang House Resolution No. 32 na nag-aatas sa Committee on Public Works and Highways at iba pang komite na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa compliance ng mga building owners na magkaroon ng ERI.