Tuesday, August 06, 2019

Kagawaran para sa calamities at disaster sa bansa, itatatag


Ngayong nakakaranas ng sunod-sunod na bagyo ang bansa, iginiit ni Leyte Rep. Martin Romualdez na napapanahon na para magkaroon na ng kagawaran na tututok sa calamities at disaster sa bansa.
Muling inihain ni Romualdez ang House Bill 1151 o ang pagbuo ng Department of Disaster Resilience na tututok sa disaster preparedness, response, recovery at rehabilitation.
Ayon kay Romualdez, hindi masyadong epektibo ang kasalukuyang structure ng NDDRMC kung saan hati at kalat-kalat ang responsibilidad at resources kaya hirap na magsagawa ng operasyon at maghatid ng tulong sa mga biktima ng kalamidad.
Paliwanag ni Romualdez, magiging mas epektibo ang pagkakaroon ng isang departamento para maisaayos ang kakayahan at pagtugon ng gobyerno sa disaster risk reduction and management.
Layunin din ng panukala na mabawasan ang pagkasira ng ari-arian at pagkawala ng mga buhay.
Aabot sa 19 na bagyo ang pumapasok sa bansa kada taon kung saan 6 hanggang 9 na mga bagyo ang nakakapag-landfall sa bansa.