Wednesday, August 28, 2019

Implementasyon ng Universal Helath Care Law 2020, malabong maipatupad nationwide, ayon kay Duque

Inamin ni Health Secretary Francisco Duque III na malabong maipatupad ang nationwide implementation ng Universal Health Care law sa 2020.
Sa pagharap ng Department of Health sa budget briefing dito sa Kamara kahapon, sinabi ni Duque na hindi pa handa o hindi pa abot ng pamahalaan ang strategic readiness upang ipatupad ang programa sa susunod na taon dahil sa kakulangan ng preparasyon at pondo.
Ayon kay Duque, kinakailangan pa ng DOH na magpatupad ng capacity building sa ibat-ibang probinsya sa buong bansa at gugugol ito ng mahabang panahon upang magawa.
Sa halip na nationwide implementation, giit ng kalihim na tutukoy muna sila ng mga "model provinces" para sa implementasyon ng ibat-ibang programang sakop ng UHC Law.
Nauna nang sinabi ng Department of Budget and Management na nakalaan sa implementasyon ng UHC Law ang P166.5 billion na pondo ng DOH sa ilalim ng 2020 National Expenditure Program.