Humiling si Marino Partylist Rep. Sandro Gonzalez ang Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (Marina) na magsagawa ang mga ito ng malalimang imbestigasyon kaugnay sa magkakahiwalay na paglubog ng tatlong bangka sa Ilo-ilo-Guimaras Strait nitong weekend.
Sa kasalukuyan ay umabot na sa 31 ang narerekober na patay habang 3 pa ang nawawala sa magkakahiwalay na insidente.
Nagtataka ang kongresista kung bakit pinayagan pang bumyahe ang ikatlong bangka gayong may dalawang motorboat banca na ang naaksidente.
Mahalaga aniya malaman kung sino ang responsable at may pagkukulang sa naganap na insidente sa karagatan upang hindi na maulit ang ganitong trahedya sa hinaharap.
Itutulak din ng mambabatas ang agarang pagapruba sa Maritime modernization para sa pag-angat ng maritime industry ng bansa.