Hindi kokonsintihin ng liderato ng Kamara ang mga mambabatas na sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga sa bansa.
Ito ang paniniyak ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa mga opisyal at kawani ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ginanap na pagdiriwang ng ika-17 taong anibersayo ng ahensya sa Quezon City.
Sinabi ni Cayetano na kung mayroon mang mga kongresista na gumagamit, nagbebenta o protektor ng ipinagbabawal na droga ay tiyak na hindi ang mga ito makakalusot sa ginagawang paglilinis sa Mababang Kapulungan na layon niyang maging real House of the people.
Ayon pa sa mambabatas, ang war on drugs campaign ng Duterte administration ay hindi gyera para pumatay o kontra sa karapatang pantao kundi gyera para maprotektahan ang buhay ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng ligtas na mga lansangan at mga lugar kung saan matiwasay na makapamumuhay ang bawat isa.
Tiniyak din ni Cayetano sa mga taga PDEA na bilang pangunahing agensya ng gobyerno na nagpapatupad ng anti-illegal drug campaign ng pamahalaan ay buo anya ang kanyang supporta sa mga ito at iginiit na nasa likod lamang nila ang Kongreso ng Pilipinas na handang tumugon sa mga pangangailangan ng ahensya.
Kasabay nito ay nanawagan din si Cayetano sa mga opisyal ng PDEA na maging pro-active sa pakikipag-ugnayan sa mga mababatas sa pagpapa-abot ng kanilang mga hinaing pagdating sa pondo at mga logistical o training constraints ng ahensya.