Nananawagan ngayon si AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin sa Kamara na payagan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na atasan ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na pondohan ang Philippine Sports Commission (PSC) at Commission on Higher Education (CHED).
Ang panawagan ay ginawa matapos suspendihin ng Pangulo ang lahat gaming operations ng PCSO dahil sa isyu ng korapsyon.
Batay sa HR 147 na inihain ni Garbin, sinabi nito na mayroong “urgent necessity” sa ngayon para himukin si Pangulong Duterte na gamitin ang kanyang executive powers matapos para pondohan ang mga nabanggit na tanggapan.
Sinabi ng solon na mahalaga ang fund continuity sa CHED dahil sa dami ng mga estudyanteng umaasa sa tulong ng pamahalaan habang sa PSC naman ay ang patuloy na paghahanda ng bansa sa hosting ng 2019 SEA Games.
Pinatutukoy din ng solon sa PSC, CHED, Department of Budget and Management, at Department of Finance ang funding support na kanilang kakailanganin mula sa PAGCOR.