Thursday, August 29, 2019

Edad sa statutory rape sa sexual consent, minungkahing taasan mula dise na gagawing disi-sais ni Rep Yedda Romualdez

Isinusulong ngayon sa Kamara de Rapresentantes na maitaas sa edad na disi-sais ang age of sexual consent o ang masasaklaw ng batas laban sa statutory rape.
Sa Panukala ni House Committee on Welfare of Children chairperson TINGOG partylist Rep. Yedda Marie Romualdez, mula sa dating 12-anyos ay magiging 16-anyos na ang edad ng biktima na pupuwedeng magsampa ng kasong statutory rape kung nagkaroon ng pakikipagtalik, pumayag man o hindi ang menor de edad.
Sa ilalim ng Revised Penal Code, 12-anyos lang ang saklaw ng statutory rape habang ang sexual assault sa mga 18-anyos pababa ay maituturing nang child abuse o exploitation.
Habambuhay na pagkakapiit ang itinakdang parusa sa sino mang indibidwal na mahahatulang guilty sa statutory rape, kahit sa anong paraan ng kahalayan o relasyon nito sa biktima.
Hindi rin dahilan para makaligtas sa parusa kung pinakasalan ng suspek ang biktima o kung napatawad ng biktima ang nanggahasa sa kanya.
May katapat ding parusa o kulong ang qualified seduction o pang-aakit sa 16 years old pababa gayundin ang consented abduction gaya ng pagtatanan.
Batay sa pag-aaral ng UNICEF, ang Pilipinas ang may pinakamababang edad ng sexual consent sa buong Timog-Silangang Asya.