Tuesday, May 16, 2017

DOJ, COA, SolGen: ILEGAL ang JVA ng Tadeco , BuCor -- Alvarez

Ipinagkibit balikat lamang ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang bintang ng Tagum Agricultural Development Co. (Tadeco) tungkol sa desisyon ng Department of Justice (DOJ), Commission on Audit (COA) at Solicitor General (SolGen) na ideklarang ilegal ang kasunduang upahan nito ang 5,308 ektaryang lupa ng Bureau of Corrections (BuCor) para taniman ng saging.

Sino umano ang niloloko ng Tadeco at ang hirap sa kanila, sila lang ang nagsasabi na walang problema ang kontrata nila habang lahat ng ahensya ng gobyerno ay sinasabing ilegal ang kontrata nila at labag sa konstitusyon, ayon pa kay Alvarez habang sinasagot niya ang paratang ng Tadeco.

Idnadag pa ni Alvarez na nililihis umano ng Tadeco ang usapin at dapat umano pag-usapan na lamang ang kontrata at tingnan ito kung talo ba yung gobyerno o hindi at kung meron bang iregularidad sa kontrata na to o wala.

Hinimok ni Alvarez ang mga opisyal ng Tadeco na sagutin na lang ang mga legal na tanong imbes na guluhin ang isyu.

Sinabi pa ng Speaker na ang upa ng Tadeco na P5,308 kada ektarya sa lupa ng BuCor at P1.80 na binibigay nito sa ahensya bilang share sa benta ng kada kahon ng saging ay hindi pabor sa gobyerno.

Ang upa dapat ay P25,000 hanggang P35,000 kada ektarya, na siyang lease rate raw at undeveloped na lupa, habang ang P1.80 naman ay mababang-mababa, ayon kay Alvarez. 

Ayon pa kay Alvarez, hindi ipinapaalam ng Tadeco sa BuCor ang kita nito sa bentahan ng saging kaya hindi alam ng ahensya kung tama ang binibigay ng kumpanya na profit share.

Nagsagawa ng kanya-kanyang imbestigasyon ang DOJ, COA at SolGen sa joint venture agreement ng Tadeco at BuCor upang alamin ang legalidad nito. Pare-pareho nilang nakita na ILEGAL ang kontrata.

Sa joint hearing ng House Committee on Good Government at Committee on Justice noong Mayo 9, nag-testify si DOJ Secretary Vitaliano Aguirre II at nirekomenda niyang pawalang-bisa ng pangulo at ng BuCor ang JVA.

Nirekomenda rin ni Aguirre na ideklara ng pangulo ang lupa ng Davao Prison and Penal Farm (DPPF) na alienable at disposable bago ito isailalim ng BuCor sa kasunduan at kaukulang bidding ayon sa batas.

Napag-alaman naman ng COA na 1,024 ektarya lamang ng lupaing ari ng pamahalaan ang maaaring ipa-lease sa pribadong kumpanya ayon sa 1935 at 1987 Constitutions, na siyang batas nang unang pumasok sa kasunduan ang Tadeco at BuCor.

Nag-isyu naman noong Abril 27 si Solicitor General Jose Calida ng legal opinion na ilegal ang JVA dahil labag ito sa Commonwealth Act 141 o Public Land Act, na nagsasabing hanggang 50 taon lang maaaring upahan ng pribadong kumpanya ang anumang lupang ari ng pamahalaan samantalang ang JVA ng Tadeco at BuCor ay tatagal hanggang 2029 sa halip na hanggang 2019 lang.

Dagdag pa ni Calida na ang pagpapaupa ng lupa ng gobyerno sa pribadong kumpanta ay hindi sa paraang JVA kundi sa public bidding ayon sa Public Land Act.