Tuesday, April 18, 2017

Programa sa online jobs, paiigtingin

Umapela si Senador Sonny Angara sa ­gobyerno na paspasan ang mga programa na magpapabilis sa internet connectivity lalo na sa mga malalayong probinsya at mga ­barangay upang makakuha ng marami pang online jobs.

Tinukoy ng senador ang Rural Impact Sourcing Program ng Department of Information and ­Communications Technology (DICT) na ­malaking tulong para makapagbigay ng “high-paying at sustainable jobs” sa mga ­malalayong lugar na mas marami ang popu­lasyon ngunit maraming walang ­trabaho dahil sa ­kakulangan ng investors.

Naniniwala ang senador na dapat mabigyan din ng pagkakataon ang mga nasa probinsiya at hindi na kailangan magtungo sa Metro Manila o Cebu upang makakuha ng online jobs.
“Dapat mayroon din ­silang oportunidad sa kani-kanilang mga ­probinsya. Hindi na dapat nila kaila­ngang pumunta pa sa ­Metro Manila o sa Cebu para makakuha ng online jobs.

They should be able to stay where their ­families are and have meaningful work,” ayon kay Angara.
Ayon pa kay Angara, taong 2013 ay ipinatupad na ang Rural ­Impact Sourcing Program ngunit kailangan pa rin umano itong palakasin upang makahikayat ng marami pang investors sa pamamagitan ng pagpapabilis ng internet connectivity.

Sinabi ni Angara na sa ilalim ng 2017 ­national budget, naglaan na ang Kongreso ng 22.5 million pesos para sa rural impact sourcing program sa ilalim ng DICT.