Thursday, April 20, 2017

Dapat wakasan na ang pangungolekta ng bayad sa mga pampublikong palikuran

Nananawagan si Manila Teachers partylist Rep Virgilio Lacson na pagbawalan na ang pangungolekta o paghihingi ng usage fees para sa paggamit ng mga palikuran sa lahat na mga public at commercial places.

Sinabi ni Lacson na isa umano ito sa mga dahilan kung bakit ang bansang Pilipinas ay nalulugi ng humigit kumulang 9 na bilyong dolyar ng economic output kada taon dahil sa masamang sanitation.

Binigyang diin ni Lacson ang importansiya ng pagpapaibayo at paggagawad ng basic social services sa lahat ng mga mamamayan sa bansa lalu na sa mga underprivileged at marginalized.

Ayon sa kanya, ang paggamit ng libre at functional na mga kubeta ay marapat lamang umanong maging kaakibat sa pagsasagawa ng mga infrastructure para sa mga mamamayan dahil ang akses dito sa mga pasilidad na ito ay makaka-apekto sa kalidad ng ating mga negosyo at magdi-determina sa antas ng dignidad at kalidad ng buhay ng isang komunidad.

Ikinalulungkot ng mambabatas na maraming umanong mga establisimiyento sa bansa ang nangungolekta ng bayad para sa paggamit ng kanilang mga kubeta.

Idinagdag pa niya na kung kukulangin umano ang bansa ng mga comfort room, ang mga underprivileged at ang mga marginalized ay mapopuwersang magbayad para lamang magkakaroon ng human comfort na kung ikumpara sa ibang mga bansa, ang ganitong pasilidad ay libre lamang.

Tinukoy ni Lacson ang isang pag-aaral ng World Bank kung saan, tinatayang 9.1 milyong mga Filipino ay gumagamit ng open toilets na ang ibig sabihin ay gumagamit lamang ng mga kalsada o kung saan-saan na lamang, at 15.2 milyon ang gumagamit ng public toilets.

Kaya kinakailangan daw na i-criminalize ang mga lalabag sa ipapasang batas hinggil dito.

Dahil dito, ipinanukala ni Lacson ang HB05118 na kilalaning Free Toilet Use Act na magmamando sa Department of Interior and Local Government (DILG) sa pagpapatupad ng batas.