Tuesday, March 07, 2017

Pagtatatag ng mga bagong RTC court inaprubahan na

Para matugunan ang tambak na na mga kaso at resolusyon na nakabinbin sa mga hukuman, inaprubahan na sa House committee on appropriations ang pondo para sa pagtatatag ng karagdagang Regional at Municipal Trial Courts sa bansa, kasabay ng pag-apruba ng panukala na lilikha sa electronic linkage sa pagitan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at VAT-registered taxpayers para sa maayos na pangongolekta ng buwis ng gobyerno.

Ayon kay House committee on appropriations chairman Davao City Rep Karlo Alexei B. Nograles, bahagi ito ng mahabang listahan ng mga panukala na inaprubahan ang funding provisions ng appropriations committee upang ihabol sa nakatakdang pagrerecess ng Kongreso sa ika-15 ng Marso.

Nadiskubre nina Albay Rep Joey Sarte Salceda, North Cotabato Rep Jesus Nonato Sacdalan na vice chairman at myembro ng komite, at Leyte Rep Vicente “Ching” S. E. Veloso, vice-chairman ng committee on justice, ang napakalaking kakulangan ng mga posisyon sa mga hukuman dahil sa mahigpit na selection process, pagkaantala ng pagtatalaga sa mga huwes dahil sa eleksyon, kakulangan ng aplikante sa malalayo o magugulong lugar na siyang tanging dahilan kung bakit maraming bakanteng posisyon sa mga hukuman..

Inaprubahan ng komite ang mga probisyon sa pondo sa ilalim ng House Bills 198 at 2433 at ang substitute bills na HBs 451, 991, 2011 at 2029 na naglalayong lumikha ng karagdagang sangay ng Regional Trial Court (RTC) sa ilang bahagi ng bansa, na iniakda nina Reps Jose Carlos Cari, Maria Theresa Collantes, Lucy Gomez, Joaquin Chipeco Jr., Cheryl Deloso-Montalla, at Imelda Marcos.

Samantala, bilang pagsuporta sa pagsisikap ng gobyerno na makalikom ng buwis, inaprubahan ng komite ang funding provision ng HB 4601, na naglalayong itatag ang electronic linkage sa pagitan ng BIR at VAT-registered taxpayers upang mapabilis ang pagtutuos ng buwis sa kita ng mga establisimento gamit ang cash register at iba pang point-of-sale machines na iniakda ni Quirino Rep Dakila Carlo Cua, chairman of the committee on ways and means.

Sa tantiya ni Salceda ay maaaring umani ng mahigit P54 bilyong pisong buwis ang gobyerno sakaling maisabatas ang panukala na sinuportahan naman ni BIR Assistant Commissioner Rosario Charo E. Curiba para punuan ang puwang sa under-declaration at non-declaration sa pagbabayad ng buwis.