Monday, March 20, 2017

Mas estriktong PPP program, isinusulong sa Kamara

Tataguriang "Golden Age" ng public infrastructure ang susunod na anim na taon kapag naisabatas ang panukala sa Public-Private Partnership (PPP) program dahil lalong dumami ang bilang ng mamumuhunan mula sa pribadong sektor na nakibahagi sa mga infrastructure projects ng gobyerno matapos maisabatas ang Build-Operate-Transfer (BOT) law, sa pag-amiyenda sa Republic Act No. 7718 noong 1994.

Sa pagdinig ng House committee on public works and highways sa pamumuno ni Zaboang City Rep Celso Lobregat, bumuo ng isang technical working group (TWG) ang komite para pag-isahin ang mga panukalang batas para lalong patatagin at palakasin ang PPP.

Tungkulin ng TWG na pag-isahin ang mga panukala (HBs 163, 348, 1346 at 1944) na naglalayong patatagin at palakasin ang PPP na iniakda nina, Quezon City Rep Feliciano Belmonte Jr., Deputy Speaker Romero Quimbo, Antipolo Rep Romeo Acop at Baangas Rep Vilma Santos-Recto ayon sa pagkakasunod; HB 778 na magtatatag sa PPP Authority na inihain ni Albay Rep Joey Salceda; at HB 2727 na naghihikayat ng mas marami pang proyekto ng PPP at pagtatatag ng PPP Guaranty Fund na inihain ni Magdalo Rep Gary Alejano.

Binigyang-diin ni Cong Lobregat ang probisyon ng 1987 Saligang Batas na gumagaratiya sa polisiya ng estado na kilalanin ang tungkulin ng pribadong sektor bilang pangunahing mekanismo para magsulong ng pambansang kaunlaran na hihikayat sa pagtatatag ng PPP at maggagawad ng mga insentibo sa mga lalahok dito sa pangunguna at pagpopondo ng pamahalaan.

Hinikayat ni dating Speaker Belmonte ang pribadong sektor na makibahagi sa mga infrastructure projects ng gobyerno na nagbigay-daan sa pagsasabatas ng Build-Operate-Transfer (BOT) law at naging dahilan ng pagdami ng pribadong pamuhunan sa infrastructure development ng bansa.

Gayunman, idinagdag niya na kailangan pa ring amiyendahan ang batas para mas lalong tumugon sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya.

Ang panukala naman ni Rep Quimbo ay naglalayong palawakin ang sakop ng  PPP kasama ang Joint Venture and Operation and Maintenance contracts sa pamamagitan ng pagtanggal ng 50% porsyentong puhunan mula sa gobyerno maliban sa Joint Venture projects, at dagdag na halaga naman ng puhunan para sa PPP projects.

Samantala ang HB 1346 Rep Acop ay naglalayong palakasin ang PPP sa pagtugon sa iba’t ibang usapin kaugnay ng legal framework sa batas na magbibigay ng proteksyon sa pridabong mamumuhunan. Kasunod ang pagsasabatas ng BOT-PPP law, sinabi ni Acop na lalong nadagdagan ang partisipasyon ng mga pribadong sektor na sumali sa mga government infrastructure projects, lalo na sa industriya ng elektrisidad at transportasyon.

Layunin naman ng HB 778 ni Cong Salceda na mapahusay at mapalakas ang hayag na transaksyon, kahusayan sa pagganap ng obligasyon sa mga proyekto, at paglalagay ng karagdagang tulak at lakas sa PPP program sa pamamagitan ng matibay na kooperasyon sa pagitan ng publiko at pribadong sektor.