Tuesday, March 21, 2017

Magna Carta of Student-Athletes, binalangkas na sa Kamara

Hinirang ng House committee on youth and sports development Chair na ni Abono partylist Rep Conrado Estrella III si Antipolo Rep Chiqui Roa-Puno bilang tagapangulo ng technical working group (TWG) na magpa-fine tune ng HB00583 o ang panukalang Magna Carta of Student-Athletes.

Ang panukala na inihain ni Deputy Speaker at Taguig City Rep Pia Cayetano ay originally drafted ng kinatawan at ng kanyang staff noong siya ay isang miyembro pa ng Senado.

Sinabi ni Cayetano na ang isang bill of rights para sa student-athletes ay dapat lamang na tutugon sa mga issue at concern na hinarap ng mga atletang estudyante sa matagal nang panahon at wala pa umanong batas na nagpo-promote at pumuprotekta ng kanilang pangkalahatang kapakanan.

Idinagdag pa ni Cayetano na layunin din ng naturang panukala na maggawad ng nararapat na pagkilala at proteksiyon sa mga karapatan at general welfare ng mga student-athlete.

Sinabi naman ni Cynthia Hernandez, supervising education program coordinator ng Commission on Higher Education (CHED) sa isang pagdinig na ang layunin ng panukala ay kapuri-puri kayat kanyang ipinanukala na ma-amiyendahan ang na RA010676 o ang Student-Athletes Protection Act na ipinasa  noong 2014 pa.

Sinabi naman ni Lanao del Norte Rep Mohamad Khalid Dimaporo na sa kabila ng pagpasa ng RA010676, ang implementing rules and regulations (IRR) nito ay hindi pa rin mapasahanggang ngayon na-promulgate.

Inaatasan kaagad ng komite ang CHED at ang Department of Education (DepEd), sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Sports Commission (PSC), na magsagawa ng IRR base sa RA010676.