Tuesday, February 14, 2017

Space technology, palalakasin

Pinuri ni Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary for Research and Development Rowena Cristina Guevarra ang House sa napapanahong pagsusulong ng mga panukala na naglalayong pagtuunan ng panahon ang pagpapaunlad ng teknolohiya sa mas ligtas at malayang paggamit ng kalawakan.

Ipinagmamalaki ni Guevarra ang DOST dahil ang kanilang tanggapan aniya ang may kakayahan o technical know-how para sa space technology na isinusulong sa ilalim ng HB03637 na inihain nina Bohol Rep Erico Aristotle Aumentado at Zamboanga del Norte Rep Seth Frederick Jalosjos; HB04275 nina Manila Reps John Marvin “Yul Servo” Nieto at Edward Vera-Perez Maceda; HB04367 na inihain ni Albay Rep Joey Salceda; at HB04623 ni Cagayan del Oror Rep Maximo Rodriguez Jr.

Sinabi ni Guevarra na bagama’t ang Pilipinas ay isa sa limang bansa sa Southeast Asia na walang space agency tulad ng Cambodia, Laos, Myanmar, at Brunei ay nagsasagawa na sila ng mga pag-aaral at pagsasaliksik sa paggamit ng space technology tatlong taon na ang nakakaraan nang kanilang inilunsad ang micro- satellite project sa ilalim ng Diwata Program.

Ito ang tugon niya kay Davao City Rep Alberto Ungab sa kanyang tanong kung may mga ginagawang hakbang ang DOST para sa space development programs.

Sa pagdinig ng House committees on government reorganization at ng science and technology, inaprubahan nito ang pagbuo ng isang technical working group (TWG) para pag-isahin ang mga panukalang may kinalaman sa proyekto.

Layunin nitong isulong ang pagtatatag ng Philippine Space Development and Utilization Policy at Philippine Space Agency (PSA) bilang tugon sa 10-point economic agenda ng administrasyong Duterte hinggil sa pagpapaunlad ng agham at teknolohiya.

Sa ilalim ng mga panukala, magsisilbing primary strategic roadmap para sa space development ang Philippine Space Development and Utilization Policy para magkaroon ang bansa ng pagkakataon maging space-capable at space-faring nation sa susunod na dekada.

Habang ang Philippine Space Agency (PSA) naman ang magiging central government agency na tutugon sa pambansang isyu at mga gawaing may kinalaman sa space science at technology applications.

Ayon naman kay Pangasinan Rep Christopher “Toff” de Venecia, miyembro ng committee on government reorganization, ito ang unang pagkakataon na may naghain ng ganitong panukala sa Kongreso, na masasabing napapanahon dahil laging nahuhuli ang Pilipinas sa Estados Unidos, Europa, at iba pang mauunlad na bansa na naghahangad din na makagamit ng kalawakan.

Iminungkahi naman ni Sorsogon RepEvelina Escudero ang pagrebisa sa pondong ilalaan sa proyekto para matiyak na maayos itong maipapatupad kapag naging ganap na batas na ang naturang programa.