Thursday, February 23, 2017

Reklamo sa 'di makataong parking fee, reresolbahin ng kamara

Aaksiyunan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang matagal nang inerereklamong sobra sobrang paniningil ng mga shopping malls, ospital, eskwelahan, mga hotels at mga katulad na establisimyento sa parking fees sa kanilang mga kostumer kahit pa kumikita na sila ng husto sa kanilang mga itinitindang produkto at serbisyo.

Ang paniningil ng hindi makataong halaga ng parking fees ng mga establisimyento ay umaabot sa P180. piso sa maigsing oras na pagparada ng mga pribadong sasakyan na karaniwan ay hindi na abot-kaya ng mga mamamayan. Ito rin ang nakikitang isa sa pinakamatinding dahilan kung bakit hindi maresolba ang grabeng problema sa trapiko sa kalakhang Maynila at iba pang malalaking lungsod sa bansa dahil mas pinipili pa ng mga motorista na pumarada sa mga kalye o lansangan sapagka’t mas mura ang singil sa kanila dito.

Ito ang nagbunsod kay Surigao del Norte Rep Robert Ace Barbers na ihain ang HB05041 na naglalayong isailalim na sa regulasyon ng pamahalaan ang halaga na ipinapataw sa parking fees ng lahat ng establisimyento na ayon sa kanya ay hindi makatao at hindi makatarungan.

Sa kasalukuyan, ang karaniwang singil sa parking spaces ay P50. sa bawa’t sasakyan para sa 3 oras lamang na pagparada sa parking space at may karagdagang P10. hanggang P20. kada oras kapag lumampas sa 3 oras. Pinakamatagal na rin ang 10 minutong grace period sa isang motorista ang ibinibigay kapag nagbaba lamang ng pasahero gamit ang entrada ng parking space patungo sa establisimyento, at ang overnight parking naman ay sinisingil ng hindi bababa sa P200.

Sa ilalim ng panukala ni Barbers, lilimitahan ang halaga ng parking fee sa P100. sa bawa’t sasakyan para sa 8 oras na pagparada at karagdagang P10. kada oras kapag lumampas sa 8 oras, na maaari pang ibaba kapag binalangkas na ang panukala sa Technical Working Group (TWG) na bubuuin ng Committee on Trade and Industry na pinamumunuan ni Rep. Rico B. Geron (Agap Partylist).

Bukod dito, bibigyan ng 30 minutong grace period ang isang motorista o walang halagang babayaran ang sinumang papasok sa isang pay parking area sa loob ng kalahating oras at magbabayad lamang ang motorista kapag lumampas ito ng 30 minuto. Ang mga mamimili naman sa isang shopping center ay malilibre sa pagbabayad ng parking fee kung makakapagpakita sila ng katibayan na sila ay may binili, nagbayad ng serbisyo, o kumain sa isang establisimyento sa pamamagitan ng isang opisyal na resibo na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P500 sa loob ng 3 oras. Magbabayad lamang sila ng umiiral na halaga ng parking fee kapag lumampas sila sa 3 oras. Sa overnight parking naman ay sisingilin lamang ng hindi lalampas sa P200. bawa’t sasakyan. Ang mga pasyente at bisita naman sa isang ospital ay malilibre naman sa parking fee kapag may katibayan na sila ay may lehitimong transaksyon sa ospital.     

Kaugnay din nito, kaakibat ng pay parking business ang seguridad ng mga pumaparada sa naturang establisimyento at hindi maaaring alisan ng responsibilidad o waiver of liability ang mga may-ari ng pay parking spaces sakaling may masira o mawala sa pag-aari ng mga motoristang nagbabayad at pumaparada sa parking space. Mabigat na parusa ang nag-aantay para sa sinumang lalabag sa nasabing batas. (jam parkingfee 022217)