Thursday, February 09, 2017

Pambansang industriya ng goma, pasok sa world market

Nakakapanghinayang umano ang potensyal ng bansa na manguna sa industriya ng goma sa buong mundo kung hindi ito pagtutuunan ng pansin ng pamahalaan gayung isa ito sa pinakamalaking negosyo at kalakaran sa larangan ng pagkain, transportasyon at bahagi ng iba pang teknolohiya na maaaring magpaunlad ng ekonomiya ng bansa.

Ito ang sambit ni Zamboanga del Norte Rep Isagani Amatong na siyang namumuno ng technical working group (TWG) na nasa ilalim ng House Committee on Agriculture and Food para ayusin ang panukalang lilikha sa Philippine Rubber Industry Development Board (PhilRubber).

Layunin ng panukalang HB02912 na iniakda ni Amatong na patatagin ang produksyon ng goma sa buong bansa, mapabuti ang kalidad nito at gawing competitive ang rubber industry hindi lamang pambansa, kundi sa pandaigdigang pamilihan.

Matatag aniyang umuunlad ang pangangailangan sa natural rubber dahil sa taong 2013, tinatayang aabot sa 11.3 milyong metriko tonelada ang bulto ng goma na kailangan sa pandaigdigang merkado.

Sa ngayon, tinataya ng IMF na umaabot na ito sa 11.9 milyong metriko tonelada at sa 2020 ay maaaring aabot ito sa 15.4 milyong metriko tonelada.

Sumang-ayon ang mga miyembro ng Committee on Agriculture and Food sa pamumuno ni ANAC IP Partylist Rep Jose Panganiban, Jr. sa panukalang gawing isang sangay na ahensiya ng Department of Trade and Industry (DTI) ang PhilRubber na may inisyal na pondong P200 milyon na igagawad ng Kongreso upang pamahalaan ang industriya ng goma.

Tiniyak ni Panganiban na hindi magiging katulad lamang ng tungkulin ng PhilRubber ang Philippine Rubber Research Institute na nilikha sa ilalim ng Republic Act 10089 at ng Philippine Rubber Industry Development Authority na iminungkahi sa ilalim ng HB04064, na kasalukuyang nakabinbin sa House Committee on Government Reorganization.

Samantala, ipinaliwanag ni Director Sitti Amina Jain ng DTI National Rubber Industry Cluster Coordinator (NRICC) ang kaibahan sa pagitan ng RA 10089 at HB02912 na hindi aniya ito magiging magkatulad at hindi magkakaroon ng hindi pagkakasundo ang kani-kanilang mandato.

Sa HB04064 na iniakda ni AMIN Partylist Rep Makmod Mending Jr. na nakabinbin ngayon sa Committee on Government Reorganization, layunin nitong magtatag ng Philippine Rubber Industry Development Authority upang magkaroon ng direksyon ang lahat ng nauukol sa rubber industry at gawin itong competitive sa merkado.

Gagampanan nito ang isang executive office at mag-aayos sa industriya dahil sa ngayon ay manipulado ng mga kartel ang halaga ng goma sa pandaigdigang pamilihan.