Wednesday, February 22, 2017

Paglulusaw ng ERC, iminungkahi ni Speaker Alvarez

Dahil sa kaliwa’t kanang katiwalian sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na naiulat ay isa pang tanggapan ang nais ipabuwag ni House Speaker Pantaleon Alvarez.

Ito ay ang Energy Regulatory Commission (ERC) na aniya ay masyado nang kuwestiyonable ang integridad dahil sa mga alegasyon ng korupsyon sa loob ng ahensiya.

Iminungkahi ni Alvarez ang pagbuwag sa ERC sa ilalim ng panukalang HB05020 na kanyang iniakda at naglalayong ipalit ang Board of Energy, isang ahensiya sa ilalim ng Department of Energy (DOE) na pangangasiwaan ng Punong Ehekutibo.

Bubuuin ito ng isang chairperson at dalawang miyembro na itatalaga ng Pangulo sa rekomendasyon ng Energy Secretary.

Para matiyak na walang conflict of interests, mahigpit na ipinagbabawal sa panukala na ang chairperson at mga miyembro nito ang may kamag-anak hanggang 4th civil degree, sa anumang kumpanya na may kaugnayan sa industriya ng enerhiya.

Ayon kay Alvarez, ang ERC ang pangunahing ahensiya na pinagkakatiwalaan para pangasiwaan ang industriya ng kuryente sa bansa subali’t ito ay nabahiran ng kontrobersiya dahil sa katiwalian na ibinunyag ng dating ERC Director Francisco Jose Villa, Jr. matapos na mag-iwan ito ng liham sa kanyang pagkamatay, hinggil sa iregular at mga kwestyunableng transaksyon ng ERC.

Ito ang nagbunsod sa lider ng Kamara para maghain ng HR00776 na naglalayong imbestigahan ang nabunyag na korupsyon sa ERC batay sa mga isiniwalat ni Villa sa kanyang liham. Nagsagawa ng imbestigasyon in aid of legislation ang House Committee on Energy sa utos ni Alvarez.

Lumabas sa imbestigasyon ang mga kahina-hinalang kutsabahan at korupsyon sa ahensiya dahil sa patuloy na pagtaas sa presyo ng kuryente at sa kanyang suicide note, pinilit umano si Villa ng kanyang mga superiors na aprubahan ang kontrata kahit hindi ito naaayon sa wastong regulatory procedures, ayon kay Alvarez.