Thursday, February 09, 2017

Decongestion sa Metro Manila, tutugunan ng Kamara

Kapag hindi nagawan ng maayos na solusyon ng pamahalaan ang grabeng problema ng trapiko, paglaki ng populasyon at ang nararanasang mga kalamidad tulad ng mabilis na pagbaha dulot ng mga matitinding pag-ulan sa Metro Manila, ay mas lalo pa itong lalala sa susunod na ilang taon at labis na makakaapekto ito sa ekonomiya ng bansa.

Ang ganitong pangitain ang nagbunsod sa House Committee on Housing and Urban Development sa pamumuno ni Negros Occidental Rep Alfredo B. Benitez na itatag ang isang technical working group (TWG) upang magsaliksik at pag-aralan ang panukala na naglalayong magtatag ng Administrative Capital City Planning Commission (ACCPC) kung saan pag-aaralan nito ang paglilipat ng kabisera at mga tanggapan ng pamahalaan para ma-decongest ang Metro Manila.

Ayon kay Benitez, iniakda niya ang panukalang HB00083 upang matugunan ang pagsikip ng Metro Manila. Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), noong 2010 ay maituturing na isa sa may pinakamalaking populasyon sa buong mundo ang Metro Manila dahil umaabot na ang bilang nito sa 19 milyon.

Idinadag pa ng mambabatas na sobra umano sa populasyon, masikip na trapiko at mataas na pinsala ng mga kalamidad ang nagbunsod sa Metro Manila na maging isang ‘pariah’ sa mga lungsod sa mundo at kailangan na umano talagang pag-isipang mabuti na makagawa ng isang plano na magde-decongest sa NCR.

Iminungkahi naman ni Quezon City Rep Winston Castelo na pag-aralan ang matagumpay na relokasyon na ginawa ng pamahalaan ng South Korea na naging dahilan para lumuwag ang Seoul at nag-udyok ng paglago at kaunlaran ng kanilang ekonomiya. Aniya, maaaring matutunan ng ating bansa ang karanasan ng Korea at makakatulong ito para sa panukalang pagtatatag Administrative Capital City Planning Commission sa paglalatag ng plano para ma-decongest ang Metro Manila.

Nagpahayag ng pagsang-ayon si Atty. Jason Salalima ng Department of Transportation nang tanungin ang mga ahensya ng gobyerno kung handa silang lumipat sa ibang lugar. Katunayan ay may nauna na silang plano na magtayo ng kanilang tanggapan sa Clark, Pampanga.

Ayon namn kay Ako Bicol Partylist Rep Rodel Batocabe, isang makapangyarihang komisyon ang dapat itatag na siyang magsusulong ng mga panukala na magbibigay ng ngipin para sa isang master plan.

Ilan sa kanyang dahilan ang marami aniya sa mga opisina ng gobyerno ay nangungupahan lamang sa kasalukuyang lugar na kanilang kinalalagyan kaya kung magkakaroon man ng lipatan ay makakatipid ng malaking pondo ang pamahalaan sa pagbabayad sa upa at magkakaroon pa sila ng pagkakataong magmay-ari ng lupang tatayuan ng kanilang mga gusali.