Thursday, February 09, 2017

Bawal na ang paluin ang bata

Dahil sa mga kinagisnang kaugalian na marahas na pagpaparusa sa mga bata upang sila ay disiplinahin at bigyan ng aral o turuan ng leksyon sa pamamagitan ng pananakit ay muling isinusulong ngayon sa Mababang Kapulungan ang panukalang HB00516 na naglalayong ipagbawal ang lahat ng uri ng corporal punishment tulad ng pamamalo gamit ang anumang uri ng matigas na bagay tulad ng kahoy, sinturon at pati kamay dahil napatunayan na hindi ito mabisang paraan ng pagsusuheto sa mga bata.

Kabilang sa tinatawag na corporal punishment ang panggugulpi, paninipa, pananampal, panununtok, pamamatok, pang-uuntog, panininturon, paghataw sa alinmang bahagi ng katawan ng bata, pamamalo gamit ang mga matitigas na bagay tulad ng tungkod, walis, patpat, sinturon o latigo at iba pang kagaya nito, pananabunot, pamimilay, panunugat sa katawan, pagkaladkad at paghahagis ng bata, at higit sa lahat ay ang pagmumura, panunurot, panglalait at pagpapahiya sa bata sa harap ng mga tao o anuman ang sitwasyon.

Nagbabala si Bagong Henerasyon Partylist Rep Bernadette Herrera-Dy sa mga magulang o mga kinikilalang magulang o guardian ng isang bata na gumagamit ng bayolenteng pamamaraan ng pagdidisiplina, na mabigat ang parusang ipapataw sa sinumang lalabag sa naturang panukala kapag ito ay naisabatas.

Sinabi ng mambabatas na hindi matatawag na ‘pagmamahal’ sa isang bata mula kay itay at inay ang mga nabanggit na mararahas na pamamaraan dahil magdudulot lamang ito ng galit, sama ng loob at kawalan ng tiwala sa sarili ng isang murang kaisipan ng isang bata at nakakaapekto din ito sa pisikal at sikolohikal na kalagayan ng bata hanggang sa siya ay lumaki at magkaisip kaya’t dapat na itong matigil.

Ayon kay Zamboanga del Sur Rep Divine Grace Yu, chairman ng House Committee on the Welfare of Children, ang panukala ay ilang ulit nang napag-usapan at napag-aralan sa Kamara simula pa noong ika-14 na Kongreso hanggang umabot sa ikatlong pagbasa sa plenaryo noong nagdaang ika-16 na Kongreso subali’t hindi na ito naaprubahan sa Senado. Napapanahon na aniya upang ito ay maisabatas na.