Wednesday, February 22, 2017

Bagong sistema ng sahod ng BIR, isinusulong ni Alvarez


Upang maihanay ang mga kawani ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga incorruptible o hindi maaaring masuhulan sa pamahalaan ay nais ni Speaker Pantaleon Alvarez na taasan ang sahod at mabigyan ng mabuting insentibo para sa mga naglilingkod sa naturang ahensya.

Inihain ng Speaker ang House Bill No. 4973 na naglalayong alisin ang BIR mula sa sakop ng Republic Act No. 6758 o ang “Salary Standardization Law” dahil sa mga ulat na maraming empleyado ng BIR ang umaalis sa ahensiya dahil sa mababang sahod bukod pa sa isyu ng korapsyon na palagiang bumabalot sa tanggapan at maraming kaso na ang naisampa laban sa mga mapagsamantalang opisyal ng ahensiya.

Kailangang umanong magawan ng paraan ang pinag-ugatan ng korapsyon kaya’t kailangang tumaas ang kanilang sahod at dagdagan ang mga insentibong tinatanggap nila, ayon pa kay Speaker Alvarez.

Sinabi ni Quirino Rep Dakila Carlo Cua, isa sa may-akda ng panukala, na hindi lamang para itaas ang sahod at benepisyo ng mga empleyado kundi higit sa lahat, ay alisin ang katiwalian at gawing mas propesyunal ang rangko ng mga opisyal at empleyado ng ahensiya.

Binigyang-diin nina Alvarez at Cua na isang malaking hamon para sa mga opisyal ng BIR ang pagkuha at panatiliin ang mataas na kalidad ng mga kawani nito habang may pagkakapareho ang sahod para sa entry-level lawyers at accountants sa private sector, kulang naman ito para sa career growth.

Sa ilalim ng panukala, otorisado ang BIR na bumalangkas ng sariling antas ng pasahod at sistemang pag-uuri sa posisyon, na titiyak sa makatuwirang bayad at matuwid na sahod para sa BIR personnel sa ilalim ng prinsipyo ng patas na pasweldo sa patas na trabaho.

Gayundin, kailangang maihalintulad ang kompensasyon nito sa pribadong sektor alinsunod sa minimum wage laws.

Malalaman ang bagong sistema sa pamamagitan ng komprehensibong pagtutuos ng kuwenta sa aktuwal na tungkulin at responsibilidad ng opisyal at empleyado ng BIR.

At bilang karagdagan sa bagong pay system, pinapayagan ng panukala ang ahensiya na magbigay ng iba pang insentibo sa kanilang tauhan na hindi nakapaloob sa ilalim ng kasalukuyang Civil Service Laws, batay sa pagsang-ayon ng Pangulo.

Kapag sinang-ayunan na ng Pangulo ang bagong kompensasyon at position classification system ay ipapatupad ito para sa lahat ng posisyon sa BIR.

Naniniwala si Speaker Alvarez na ito na marahil ang paraan upang maitaas ang antas ng paglilingkod ng mga kawani ng BIR at maihanay sila sa pandaigdigang panuntunan sa larangan ng serbisyo publiko.