Sa
isinagawang pagdinig ng komite kamakailan, ipinahayag ng mga mambabatas ang
kanilang suporta sa House Bill 626 na iniakda ni Albay Rep Fernando Gonzales na
humihiling na maglagay ng Carabao Center sa Ligao, Albay para sa pagpapalaganap
at pagtataguyod ng kalabaw sa kanilang rehiyon. Suportado ng mga miyembro ng
House committee on agriculture and food ang paglalagay ng Carabao Center sa
Bicol dahil ang lugar umano ang pangalawa sa may pinakamaraming populasyon ng
kalabaw sa bansa kung ihahambing sa ibang rehiyon na may nauna ng sariling
katulad na center.
Ang
pagsasabatas ng Republic Act 7307 o ang Philippine Carabao Act of 1992 ang
naging daan para makapagpatayo ng 13 na Carabao Centers sa iba’t ibang panig ng
bansa nguni’t hindi kasama ang Bicol.
Sinabi ni
Gonzales na ang paglikha ng sentro sa Bicol ay mangangailangan ng pag-amyenda
sa RA 7307 na naglalayong mapangalagaan at mapalaganap ang pagdami ng kalabaw
sa rehiyon kung saan ito ay nakatutulong ito na makapagbigay ng gatas, balat at
bilang gamit sa sakahan.
Sinang-ayunan
ni Philippine Carabao Center Director Libertado Cruz ang panukala at sinabi
niya na kailangan nang maayendahan ang batas para magkaroon ng sariling sentro
ang rehiyon ng Bicol. Inamin pa ni Dela Cruz na pinili muna nilang palakasin
ang mga naunang 13 Carabao Centers na naging dahilan kaya nakaligtaan nila ang
pagtatayo nito sa Bicol.
Suportado
din ni North Cotabato Rep Jose Tejada na maaprubahan ang panukala at ibinahagi
niya bilang halimbawa ang kanyang lalawigan na mayroong Carabao Center na nasa
loob ng University of Southern Minadanao (USM).
Ang
Carabao Center sa kanilang lugar ay nakapagdudulot ng kasagutan para sa paglaganap
ng kalabaw at pagbibigay ng mataas na kalidad na gatas galing sa kanilang
lalawigan.
Idinagdag
ni Tejada na wala pa noon ang mga carabao center ay mayroon nang ugnayan sa
pagitan ng mga state universities at ang kanilang distrito, kasama na rito ang mga
lugar na maaaring paggamitan ng kalabaw at gayun na rin sa usapin ng pondo.
Naniniwala
si Tejada na hindi magtatagal ay maisusulong at uunlad ang Carabao Center sa
Bicol region at makatutulong ito ng malaki sa panig ng lokal na komunidad gayun
na rin sa pangkalahatan ng bansa.