Monday, January 30, 2017

* Imprastraktura sa kanayunan, prayorid ng House

Isinusulong ng maraming mambabatas sa Kamara ang pagtatatag ng mga tanggapan ng engineering district partikular na sa rehiyon ng Mindanao dahil ang kakulangan nito ang nagpapabagal sa pagtatayo ng mga imprastraktura na siyang kaakibat ng kaunlaran sa bansa.

Sa pamumuno ni Zamboanga City Rep Celso Lobregat bilang chairman ng House committee on public works and highways, ang mga inaprubahang panukala ay ang House Bill 364 na akda ni Compostela Valley Rep Ma. Carmen Zamora na magtatayo ng second district engineering
office sa Compostela Valley; HB 640 ni Camarines Norte Rep Renato Unico, para sa first district engineering office ng Camarines Norte; ang HB 1188 na akda ni Lanao del Norte Rep Mohamad Khalid Dimaporo na gagawing dalawang regular district ang dating Lanao del Norte engineering office; at ang HB 2052 ni Zamboanga del Norte Rep Isagani Amatong na magkakaroon naman ng fourth district engineering office sa bayan ng Siocon, Zamboanga del Norte.

Layunin ng mga panukala na magtatag ng pitong bagong tanggapan sa iba’t-ibang panig ng bansa matapos aprubahan sa ang mga panukala ng mga kongresista upang maiayos ang mga pampublikong imprastruktura sa kanilang mga nasasakupan.

Kasama din ang House Bill ni Cotabato Rep Jose Tejada para sa third district engineering office; HB 2438 ni Sorsogon Rep Deogracias Ramos para sa Sorsogon second district engineering office; at ang HB 2552 ni Bukidnon Rep Rogelio Neil Roque para naman sa fourth district engineering office ng Bukidnon.

Ang mga nasabing panukala ay dadaan sa committee on appropriations para mapag-aralan ang mga probisyong nakasulat tungkol sa paglalaan ng pondo para sa mga gagawing bagong posisyon.

Sinabi ni Unico na nararapat nang magdagdag ng isa pang engineering district office sa kanyang lalawigan dahil hindi na kayang tugunan pa ang mga proyektong imprastraktura ng tanging engineering district office. Sinabi pa ni Unico na dahil malimit daanan ng bagyo ang Region 5 o Bicol region ang madalas na pag-ulan ang sumisira sa mga kalsada.

Sinabi naman ni Zamora na para mabawasan ang mga maling paggawa sa mga imprastraktura at iba pang proyekto sa kanilang lugar, kailangan din nilang magkaroon ng isa pang tanggapan para sa lalawigan ng Compostela.

Para naman kay Dimaporo ang kasalukuyang second engineering district office sa Lanao del Norte ay hindi sapat ang tauhan para tugunan ang malaking pangangailangan ng dalawang distrito sa lalawigan na nagdudulot ng pagkabalam ng mga proyekto na nakakaapekto sa kaunlaran ng kanyang lalawigan.