Noong maraming mata ang nagmamatyag sa Commonwealth Ave. ay pumipila sa
yellow lane ang mga bus, pero ngayon ay kanya-kanya sila ng arangkada sa lane
na para sa mga pribadong sasakyan.
At dahil wala sa yellow lane, bigla na lamang kakabig ang mga driver ng
mga bus na ito pabalik sa outermost lane kapag mayroon silang nakitang umpukan
ng tao o kaya ay mayroong bababa— sa hindi tamang babaan.
Muli na naman nilang ipinakikita na sila ang hari ng kalsada.
Gaya na lamang ng ginawa ng driver ng bus ng Jayross na may plakang TXK
920 noong Disyembre 27.
Bigla na lamang itong kumabig pakanan kaya nagprenuhan ang mga sasakyan na kanyang mababangga bago sumapit ang Litex Area sa Brgy. Commonwealth.
Bigla na lamang itong kumabig pakanan kaya nagprenuhan ang mga sasakyan na kanyang mababangga bago sumapit ang Litex Area sa Brgy. Commonwealth.
Wala namang magawa ang mga maliliit na sasakyan na tiyak na babaliktad
kapag nabangga ng bus na ito.
At kung anong bilis niyang kumabig palabas ay siya ring bilis nitong
kumabig palabas ng yellow lane para maunahan ang iba pang bus na magsasakay sa
kanyang unahan.
Para namang mga bulag ang mga traffic enforcer na dinaraanan ng mga bus
na ito kaya hindi tuloy maiwasang may mag-isip na nakatanggap sila ng pamasko
mula sa mga bus company.
O baka naman nautusan sila na magbulag-bulagan sa ginagawa ng mga ito.
Kadalasan din ay wala nang traffic enforcer sa Commonwealth Ave., at
kung meron man ang kanilang binabantayan ay ang mga pribadong sasakyan na
lalagpas sa 60 kilometer per hour limit.
Pero ang mga overspeeding na bus ay hindi nila pinapansin.
Inilagay ang yellow lane matapos ang sunod-sunod na aksidente na
kinasasangkutan ng mga bus sa Commonwealth Ave. na minsan nang binansagang
killer highway.
Ano kaya ang hinihintay ng mga otoridad na mangyari para muli silang
maghigpit sa mga bus sa Commonwealth Ave. ang mayroon nanamang magbuwis ng
buhay.
Bukod sa pasaway na mga pampasaherong bus, mayroon ding mga
pampasaherong jeepney, taxi at tricycle na parang siyam ang buhay.
Masyado silang nagtitipid ng gasolina at sa halip na mag-U turn sa tapat
ng tanggapan ng Commission on Audit ay tumatawid na lamang sila sa tapat ng
Commonwealth Elementary School.
Hindi nila alintana ang pakikipagpatintero kay kamatayan at para bang
ang feeling nila ay pwedeng mag-ulitan na parang computer game kung sila ay
mamamatay.
Hindi rin naman pinapansin ng mga traffic enforcer at ng mga tauhan ng
barangay ang mga tricycle at motorsiklo na nagka-counter flow mula IBP o Litex
Rd. patungo sa kalsada sa gilid ng barangay hall.
Mas maraming gasolina nga naman ang gagastusin nila kung sa tamang
U-turn slot sila dadaan. Lalo na ngayon ay tumaas nanaman ang presyo ng
produktong petrolyo.