Monday, January 30, 2017

* Batas sa lupang pang-agrikultura, aamiyendahan

Ipinasa ng House committee on natural resources ang mungkahing pagaanin ang pamamaraan sa pagsasaayos ng public agricultural lands upang mapadali ang proseso ng pagbebenta sa nagnanais makabili nito.

Inaprubahan ng komite sa pamumuno ni Bayan Muna Partylist Rep Carlos Isagani T. Zarate ang House Bill 691 na iniakda ni Camiguin Rep Xavier Jesus D. Romualdo, na naglalayong amyendahan ang Section 24 of  Commonwealth Act No. 141, o mas kilala bilang "The Public Land Act."

Ayon kay Romulado, kailangan repasuhin ang patakaran sa ilalim ng batas upang makatugon sa pangangailangan ng kasalukuyang panahon para lalong mapabuti ang pagsisilbi ng gobyerno sa mamamayan.

Luma o lipas na ang Commonwealth Act No 141 na ipinatupad noong 1936, partikular ang nasa Section 24, na kailangan amiyendahan para i-update ang proseso ng pagsasaayos sa pagbebenta ng public agricultural lands sa mga nagnanais makabili nito. Sakaling maisabatas ang mungkahing pag-amiyenda, sinabi ni Romualdo na dalawang magkasunod na Linggo ang paglalathala sa mga pahayagan ng notices of sale, sa halip na anim na magkakasunod na Linggo, at ilalathala ito sa wikang Inggles sa halip na EspaƱol o Filipino bukod pa sa mga kalatas na ipapaskil sa bulletin board ng Central Office ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at sa lugar na madaling makita sa mga gusali ng Kapitolyo o minusipyo kung saan naroroon ang lupang ibinebenta. Layon ng panukala na mapapagaan at mapapabuti nito ang sistema, pamamaraan at proseso ng gobyerno, dagdag pa ni Romualdo, vice chairman ng mga
committee on energy at trade and industry.