Thursday, January 12, 2017

* Amnestiya para sa estate tax, aprubado na sa Kongreso

Inaasahang makakakolekta ng mataas na buwis ang pamahalaan sa estate tax kapag naisabatas ang dalawang panukala sa Kongreso na naglalayong magkaloob ng amnestiya at pagbaba sa halaga ng buwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Inaprubahan ng House committee on ways and means sa pamumuno ni Quirino Rep. Dakila Carlo E. Cua ang House Bill 1889 na iniakda ni Iloilo Rep. Arthur R. Defensor at HB 3010 na panukala naman ni Deputy Speaker Romero Quimbo.

Sinabi ni Quimbo na katulad ng kay Defensor, gagamitin ng kanyang panukala bilang mekanismo ang tax amnesty sa estate tax para makalikha ng malaking buwis para sa pamahalaan.

Ang estate tax ay isang buwis na binabayaran sa gobyerno upang maisalin ang lupang pag-aari ng isang pumanaw tungo sa mga tagapagmana nito.

Ayon kay Quimbo, sa kabuuang buwis na nakokolekta ng BIR, maliit lang na bahagi ang nanggagaling sa estate taxes, sa katunayan aniya, sa taong 2013 meron lang 28, 634 ang narehistrong estate tax payers samantalang batay sa datos ng Philippine Statistics Office (PSA), may kabuuang 531,280 ang pumanaw sa nasabing taon.

Idinagdag pa ng mambabatas na pagkatapos ibawas ang mga narehistrong estate taxpayers sa kabuuang bilang ng mga pumanaw noong 2013, lumalabas sa datos na 94 porsyento ang hindi nagfile ng kaukulang estate tax return at kahit na ang isang estate ay exempted o libre ay nangangailangan din ang pagpafile ng estate tax return ayon sa National Internal Revenue Code (NIRC).

Sinabi ng niya na kung pagbabasehan ang numero ng mga pumanaw sa nasabing taon at ang nakapagfile ng estate tax, na dapat maisagawa sa loob ng 120 na araw, tanging 7.2 porsyento lamang ang nagfile ng estate tax sa BIR.

Ayon naman kay Defensor, layunin ng kanyang panukala na hindi lang amnesty, kundi palitan ang kasalukuyang tax base para sa estate taxes dahil sa taas ng singil.

Naniniwala din ang mambabatas na kung maibababa ang halaga ng buwis ay darami ang mga magbabayad at sa kalaunan, ito rin ay magreresulta ng mas mataas na revenue dahil ang mga pag-aari na ito ay magagamit na pang komersyo, kung saan anumang business transactions ay makakadagdag sa buwis.