Thursday, January 12, 2017

* Abandonadong mga palaisadaan, gagawing forest lands

Ipinanukalang gawing forest lands na ang mga abandonado o hindi nagagamit na mga palaisdaan ng matagal na panahon upang mapakinabangan at makatulong sa masamang epekto ng pagbabago ng panahon.

Ang panukalang ito ay inaprubahan na ng House committee on natural resources kung saan papayagan dito ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para ibalik sa forest lands ang mga palaisdaang hindi nagagamit o abandonado na ng tatlong taon.

Sinabi ni Bulacan Rep. Linabelle Ruth Villarica na lalong dumarami ang mga taong nakatira sa mga komunidad na madalas dumaranas at nagiging biktima ng pagbaha dahil sa nakakalbong kagubatan.

Dapat aniya umanong palakasin ang batas tungkol dito at mapakinabangan ang mga abandonadong palaisdaan at maaring magpalago ng mga mangrove upang matugunan ang mapangwasak na epekto sa pagbabago ng panahon o kaya’y para sa eco-tourism activities para ma-umpisahan ang pag-unlad ng ekonomiya ng isang komunidad.

Idinagdag pa ng kongresista na kailangang bigyan umano ng mandato ang Department of Agriculture (DA) para paghandaan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) joint guidelines sa pagtukoy sa abandonado o hindi nagagamit na mga palaisdaan.

Dito epektibong maipapatupad umano ang probisyon sa pagbabalik ng mga palaisdaan, maging ang Fishpond Lease Agreements (FLAs) na inisyu ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Department of Agriculture (DA) na sumasakop sa mga palaisdaan.

Aniya, sinasaad din sa Presidential Decree No. 705, o mas kilala bilang Revised Forestry Reform Code para sa DENR na ibalik ang mga palaisdaan sa Fisheries Lease Agreements (FLAs) sa forest lands, kung ang palaisdaan ay abandonado at hindi na nagagamit sa loob ng limang taon mula sa panahon ito ay gamitin.

Inaprubahan ng komite sa pamumuno ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani T. Zarate ang House Bill 854 na iniakda Villarica bago nag adjourn ang Kongreso sa pagdiriwang ng pasko.