Wednesday, October 19, 2016

Pagpapa-igting ng mga anti-drug law, ipinursige sa Kamara

Inumpisahan nang talakayin ng House Committee on Drugs ang mga panukalang mag-aamiyenda sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act, na may layuning pagpapaigting ng kakayahan ng mga law enforcement agencies at magpapalawig ng awareness campaign laban sa illegal drugs sa bansa.

Isa sa mga panukala na tinalakay ng naturang Komite ay ang HB00588 na inihain ni Pangasinan Rep Leopoldo Bataoil na may layuning paigtingin ang mga anti-illegal drug units ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pamamagitan ng pagpapahusay ng mga pasilidad nito at pagdadagdag ng manpower at pagpapaunlad ng isang sistema at malawakang inter-agency partnership.

Malugod namang sinalubong ni PDEA Assistant Secretary Ricardo Quinto, Deputy Director for Operations ang planong pag-upgrade ng mga pasilidad at kagamitan ng ahensiya na ayon sa kanya ay seguradong ito magbibenipisyo kahit sa PDEA Academy na mag-a-accommodate ng may 150 na mga estudyante para sa 6 na buwang programa.

Iminungkahi din ni Quinto ang pagtatatatg ng drug forensic laboratories para sa PDEA upang ang ahensiyang ito ay magkaroon din ng sariling pasilidad kagaya ng ibang mga ahenisya na mayroon silang sariling crime laboratories.

Sa mga talaan ng mga mungkahi, ang panukala nina Surigao del Norte Rep Robert Ace Barbers, pinuno ng nabanggit na Komite, ang HB03406, at Manila Rep Cristal Bagatsing, ang HB03733 na may layuning ihiwalay ang mga suspected drug-related activities sa scope ng anti-wiretapping law ang pumangalawa sa mga tinalakay.