Monday, July 18, 2016

Pagtatag ng kagawaran o department of OFW, ipinanukala

Magiging Department of Overseas Filipino Workers (DOFW) na ang kasalukuyang opisina na nakikipag-coordinate lamang sa iba’t-ibang ahensiya ng gobeyerno para sa mga OFW kung maipasa ang panukala ni Bohol Representative Arthur Yap na nakapaloob sa HB00822.

Ipinursige ng mambabatas ang pagkakapasa ng kanyang panukala na naglalayong bumuo ng isang departamento sa pamahalaan na magpo-focus lamang sa mga pangangailangan at kapakanan ng mga OFW.

Sinabi ni Yap na ang isang hiwalay na departamento para sa mga OFW ay kailangan mabuo sapagkat ang mga overseas worker natin ay mayroong unique na mga pangangailangan na makikita lamang sa kanilang sector.
 
Ayon sa kanya, marami umano ang ating mga kababayan na nagtatrabaho sa ibayong dagat na kumakaharap at nagdurusa ng iba’t-ibang klase ng abuso kung saan, kalimitan sa kanila ay nakaka-eksperiyensiya ng mga hindi magandang pagtrato galing mga kinatawan ng pamahalaan o opisyal ng mga embahada, eksploytasyon ng iba’t-ibang uri ng employer o sa mga recruiter, unfair charging ng mga hindi kailangang bayarin, illegal at wala sa panahong terminasyon ng work contract at human trafficking.

Idinagdag pa ng solon na kasalukuyan, maraming mga government agency ang may mandato na i-address ang main concern ng mga OFW, kabilang na rito ang repatriation, illegal recruitment, labis-labis na koleksiyon na mga placement fee at legal assistance.

Kabilang ditto sa mga coordinating agencies ay ang Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Pverseas Employment Administration (POEA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng Department of Labor (DOLE).