Tuesday, May 29, 2012

Magtanim ng dalawang puno bago magkamit ng birth certificate

Ipinanukala ngayon sa Kamara na magtatanim muna ng dalawang puno ang bawat isang magulang na nagsilang ng anak bago nito makuha ang certificate of live birth ng sanggol.

Ito ang nakasaad sa HB06087 o ang tinatawag na “Family Tree Planting Act of 2012,” na nag-uutos sa mag-asawa na nakatira sa Pilipinas, kahit na sila ay kasal o hindi kasal, na magtanim ng dalawang puno para sa bawat anak na isisilang.

Sinabi ni Paranaque Rep Edwin Olivarez, may akda ng panukala, na ang puno ay pwedeng itanim sa bakuran ng kanilang bahay o sa lugar na itatalaga ng Provincial Environmental and Natural Resources Office (PENRO) o ng Community Environment and Natural Resources (CENTRO) kung saan sila nakatira.

Bago isyuhan ang mga magulang ng Local Civil Registrar ng lungsod o munisipalidad ng birth certificate, kailanga munang magbigay ng joint affidavit na nagpapatunay na sila ay nagtanim na ng dalawang puno bilang pagsunod sa batas at ipi-presinta ito sa civil registrar.

Mag-iisyu ang Punong Barangay ng affidavit of compliance kung ang puno ay naitanim na sa kanilang lugar o sa itinalagang lugar ng PENRO at CENTRO.

Idinagdag pa ni Olivarez na ang certificate of compliance ang unang kailangan para ma-release ang certificate of live birth ng bata para matiyak na sumunod ito sa kautusan.

---