Monday, May 28, 2012

Coast Guard at Air Force, tatanggap ng parangal sa Kamara


Nais ni AGHAM partylist Rep Angelo Palmones na parangalan ang Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Air Force (PAF)Western Mindanao Command dahil sa mabilis na pagtugon ng mga ito sa tawag ng tungkulin.

Inihain ni Palmones ang HR02319 na may layuning bigyang parangal ang PGC at PAF bilang pagkilala sa kanilang kahanga-hangang aksiyon sa gitna ng kalamindad.

Sinabi ni Palmones na nararapat lamang umanong bigyan ng parangal ang PCG sa pamumuno ni Vice Admiral Edmund Tan at PAF Western Mindanao Command sa pamumuno naman ni Major General Noel Caballes dahil sa mabilis na pagresponde ng mga ahensiyang ito sa Luxury Liner M/V Azamara Quest of the Royal Caribbean habang nasusunog ang makina ng nabanggit na barko sa karagatan ng Sulu noong April 1, 2012.

Ayon kay Pamones, ipinakita umano ng PCG at PAF Western Mindanao Command ang kanilang kapabilidad at kahandaang humawak ng sitwasyon tulad nito.

Napa-ulat na ang barko ay may lulan na 590 foreign passengers at 411 crew members ay natatangay ng alon sa gitna ng karagatan ng Sulu matapos masunog ang makina.

Agad na nagpadala ang PCG ng apat na search and rescue vessels na may kasamang medi-cal at rescue personnel alinsabay din sa search and rescue operations na isinagawa ng PAF.

Nasugatan ang limang miyembro ng crew at naparalisa ang barko sa karagatan ng Sulu na may 200 milya ang layo sa baybayin ng Balikpapan, sa Indonesia section ng Borneo.

---