Tuesday, May 08, 2012

Boxers’ welfare act, isinusulong sa Kongreso

Batay sa kasaysayan ng boksing sa ating bansa, dalawang Filipino fighters na ang naging biktima ng hindi inaasahang pangyayaring kailangang bigyang pansin ng pamahalaan upang matulungan ang mga ito matapos sila magbigay ng dangal sa larangan ng boksing.

Na-komatos si Z Gorres sa isang ospital sa Las Vegas, Nevada, USA matapos itong mag-collapse sa ibabaw ng ring matapos ipanalo ang kanyang laban sa bantamweight division bagaman at tinulungan siya ng lokal na pamahalaan ng Mandaue City sa Cebu at sumunod naman ang batang boksingero na si Karlo Maquinto na habang binabasa ang desisyon sa laban, biglang hinimatay at isinugod sa ospital subalit namatay din ito ilang araw matapos na ma-comatose.

Dahil sa ganitong mga pangyayari, nais ni Manila Rep Amado Bagatsing na magtatag ng isang mekanismo para sa kapakanan ng mga boksingero na patuloy na nagbibigay karangalan sa bansa.

Layunin ng HB05793na inihain ni Baatsing na magtatag ng isang sistema para sa proteksiyon ng propesyunal na boksingero pati na yaong mga sasali sa Olympics sa London sa darating na Oktubre.

Sinabi ni Bagatsing na ang panukulang ito ay kanyang inihain bilang pagkilala at pasasalamat sa lahat ng boksingreo sa ipinakita nilang galing at katapangan at ibinigay na karangalan sa ating bansa.

Ang panukalang ito na tataguriang Boxers’ Welfare Act ay magbibigay ng compulsory insurance coverage sa lahat ng Filipino international boxers at sila ay makikinabang sa health services sa ilalim ng National Health Insurance Act.

Sa ilalim ng panukala, magiging miyembro ng Social Security System (SSS) at Pag-Ibig Fund ang mga professional boxers, gayundin naman, kailangan i-insure ng promoter ang kanilang boksingero sa aksidente o ano pa mang kapahamakan bago ang kanilang laban.

--