Thursday, April 26, 2012

Tataasan na ang minimun salary grade ng mga gurong pampubliko

Itataas na ang minimum salary grade level ng mga guro sa pampublikong paaralan na nagtuturo sa elementary at secondary mula sa Salary Grade 11 hanggang sa Salary Grade 15 dahil marami pa rin sa kanila ang nasa hanay ng kahirapan.

Sa iniakdang HB06000 ni Manila Rep Maria Theresa Bonoan-David hindi binanggit ang katumbas na sahod sa Salary Grade 11 at 15 ngunit batay sa naunang ulat, ang Salary Grade 11 ay may sahod na P15,649 samantalang ang Salary Grade 15 ay P24,887.

Sinabi ni Bonoan-David na habang patuloy na nakakatanggap ang Department of Education ng mas malaking bahagi sa national budget at habang nagsasakripisyo ang mga guro sa kanilang kontribusyon sa pag-unlad ng bansa na bihirang kilalanin, mababa pa rin ang sahod ng mga guro kompara sa sahod ng ibang propesyon.

Ayon sa kanya, malinaw na umano kontra ito sa nilalaman ng Article II, Section 10 ng Constitution na nagsasaad na itataguyod ng estado ang social justice sa lahat ng bahagi ng national development.