Thursday, April 19, 2012

Sinabon ng mga kongresista ang isang DENR exec hinggil sa isyu ng illegal logging


Napikon ang mga kongresista nang pabulaanan ni Assistant Secretary Daniel Nicer ng DENR o Department of Environment and Natural Resources na hindi ang illegal logging ang dahilan ng pagbaha sa Cagayan de Oro at Iligan City sa kasagsagan ng bagyong Sendong.

Sa pagdinig ng House Committee on Natural Resources , sinabi ni Nicer sa mga kongresista na hindi ang illegal logging ang naging sanhi ng pagbaha at pagkawasak ng mga bahay sa lugar.

Nagpakita si Nicer ng isang larawan ng bahay na nakatayo pa matapos ang bagyo at sinabing ang mga putol na troso ay hindi naka-apekto sa pagkasira ng mga bahay kundi tinangay lang ito ng agos.

Sinabi ni Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez na hindi maikakaila ng DENR na ang illegal logging ang siyang pangunahing dahilan ng pagbaha na kumitil ng 957-katao na batay pa sa ulat ng NDRRMC o National Disaster Risk Reduction and Management Council, hanggang sa kasalukuyan ay marami pa ring tao ang nawawala.

Ayon  naman kay Iligan City Rep Vicente Belmonte, Jr, matapos umano ang inspeksyon sa mga apektadong lugar sa kanyang distrito, nakita niya mismo ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga naapektuhan at ang mga trosong humampas sa mga kabahayan ay tinangay ng agos ng tubig mula sa mataas na lugar.

Sa panig naman ni Misamis Oriental Rep Yevgeny Vincente Emano, nagtataka siya kung bakit hanggang ngayon ay nasa proseso pa rin ang DENR sa kanilang imbestigasyon para malaman ang sanhi ng pagbaha.

Ayon sa kanya, alam daw ng lahat na ang sanhi ng pagbaha ay ang patuloy na pagkalbo sa mga kagubatan sa mataas na lugar at walang ibang dapat gawin ang DENR kundi mahigpit na ipagbawal ang pagputol ng mga puno sa bahagi ng Mindanao para hindi na muling maulit ang ganitong sitwasyon.

---