Thursday, April 26, 2012

Dapat nang itigil ni CJ Corona ang kanyang "paawa effect," solon

Tinuligsa ni Deputy Speaker Lorenzo “Erin” R. Tañada III si Chief Justice Renato Corona dahil sa pasimpleng pag-impluwensiya ng sentimyento ng mga tao, ang kanyang "paawa effect" sa paggamit sa isyu ng Hacienda Luisita para pagtakpan ang kanyang kasalanan at paparating na hatol sa impeachment proceeding sa Senado laban sa kanya.

Ayon sa kanya, "Ginagamit ni Corona ang desisyon ng Korte Suprema para guluhin ang isipan ng publiko na maging manhid sa paniniwala nilang may nakaw na yaman siya."

"Walang kaugnayan ang Hacienda Luisita sa impeachment dahil ang prosesong ito ay tungkol sa pagiging karapat-dapat ni Corona na maging Chief Justice ng Korte Suprema at ang Hacienda Luisita ay tungkol sa karapatan ng mga manggagawa nito sa lupang sinasaka nila at tungkol sa panlipunang katarungan," paliwanag ni Tañada.

"Sinusubukan lang niyang sisihin si PNoy para sa kanyang paghatol, samantalang siya lang at siya ang tunay na may kasalanan sa hindi pagdeklara nang tapat ng kanyang SALN. Itigil na niya dapat ang "paawa effect" at tumestigo na lang sa Senado bilang impeachment court. Sa palagay ko hindi gagana 'yang "paawa effect" sa mga Senador-Hukom."