Nanawagan ngayon ang mga kongresista sa Kamara para sa pagbuwag ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System – Regulatory Office o ang MWSS-RO at isinulong ang pagtatatag ng sariling Water Regulatory Commission o WRC.
Sinabi ni Marikina City Rep Marcelino Teodoro na matatandaan umanong mula ng ma-privitize ang MWSS at ang kanilang operasyon ay ibinigay sa dalawang nanalong mga concessionaire, nananatiling pag-aari pa rin ng MWSS ang fixed assets at isang regulatory office nito sa ilalim ng kanilang pamamahala para tutukan ang mga annual rate adjustment.
Naghain si Teodoro ng HB05790 na magbubuwag sa MWSS-RO.
Ayon sa kanya, ang singil umano sa tubig ng dalawang kasalukuyang water concessionaires ay nanatili hanggang ngayon na magmula pa noong 1997 bagamat walang kasanayan ang MWSS-RO na ipatupad ang mandato nito.
May mandato ang MWSS-RO na kuwentahin ang rate re-basing adjustments kada limang taon para payagan ang concessionaires na makaahon sa loob ng 25 taon na nakasaad sa kanilang kasunduan.
---