Angkop na batas, may ngipin, may sistema, sapat na regulasyon para gawing makabuluhan ang pagmimina at hindi mapanira bagkus may tunay na pakinabang ang taumbayan, ang kapiligiran, pati na rin ang pamahalaan sa pamamagitan ng bahagi na kita mula sa pagmimina
Ito ang binigyang diin ni Quezon Rep Lorenzo “Erin” Tañada III sa kanyang pahayag sa harap ng umiinit na debate hinggil sa kalakaran sa pagmimina sa bansa.
Sinabi ng mambabatas na dapat tutukan ang mga kalakaran sa pagmimina upang hindi tuluyang masira ang mga kanlungang tubig o watershed, biodiversity, at ang mga sakahan.
Dahil dito, naghain siya ng HB00206 na tatawaging Alternative Mining Act na may layuning magbabalanse sa pangangailangan ng kita o kabuhayan, at ekolohiya.
Ayon kay Tañada, ang kanyang panukala ay bunga ng konsultasyon ng mga komunidad na apektado sa pagmimina, kasama ang mga opisina at grupong pampamahalaan at pribadong sektor.
Idinagdag pa niya na tutuwirin nito ang mga gusot at kakulangan sa mga kasalukuyang regulasyon at kinikilalang karapatan ng apektadong mga komunidad na magdesisyon sa pagpapatuloy o pagtigil ng pagmimina sa kani-kanilang mga pook.
Bibigyan din ng mga insentibo ang mga nais mamuhunan sa mga paraan ng pagmimina na may pagsasaalang-alang sa balanse ng ekolohiya.
---