Hiniling ngayon ni Bataan Rep Bataan ang agarang aksiyon ng Kamara sa kanyang panukalang naglalayong payagan ang Philippine National Oil Company o PNOC na gamitin ang isang bahagi ng lupain sa Limay, Bataan upang palawakin ang operasyon ng nasabing kumpanya.
Ipinaliwanag Garcia sa kanyang panukala, ang HB05789, na makakatulong umano ng malaki ito upang maabot ang pag-unlad at paglawak ng ekonomiya at industriya ng bansa kung madaragdagan ang lupaing ginagamit ng PNOC sa Lamao, Limay, Bataan.
Layunin ng kanyang panukala na amiyendahan ang PD 949 na nagbigay kapangyarihan sa PNOC na pamahalaan at pangasiwaan ang bahagi ng lupain na matatagpuan sa Lamao, Limay, Bataan, na itinuturing na isang public domain, na inilaan para gawing industrial estate, partikular na para gamitin sa pagpapaunlad, operasyon at pamamahala ng isang petrochemical industrial zone.
Ayon pa kay Garcia kabilang sa ninanais ng PNOC na magamit ang bahagi ng lupain sa mga gawaing may kinalaman sa petrochemical at kahalintulad na gawain o industriya, at mga aktibidades na may kinalaman sa enerhiya at energy-allied activities at mga inprastraktura na gagamitin sa mga proyektong pang-enerhiya na makakatulong ng malaki sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa.
Idinagdag pa ni Garcia mahalagang paigtingin, pataasin at patatagin daw ng pamahalaan ang economic at industrial development sa pamamagitan ng pagsulong ng mga proyektong may kinalaman sa enerhiya, mga proyektong pang-inprastrakturang kinakailangan sa enerhiya, at iba pang negosyo na maaaring makahikayat sa pribadong sektor na maglagak ng salapi bilang investment.
---