Monday, February 06, 2012

Tax exemption na P30,000 sa nag-aalaga ng disabled dependent, ipinanukala

Hiniling ngayon sa Kamara na magkaroon ng P30,000 exemption sa taxable income ang isang nagbabayad ng buwis na ga-aalaga ng disabled dependent upang makatulong sa pagpagaan ng kanilang pangangailangang pinansiyal.

Sinabi nina Buhay Party-list Reps Mariano Michael Velarde at Irwin Tieng, kung susundin at maipapatupad lamang ng pamahalaan ang Magna Carta for Disabled Persons at ang nilalaman ng Konstitusyon, malinaw umano na nakasaad dito ang kahalagahan ng rehabilitasyon, pag-papaunlad sa sarili, pagtayo sa sariling mga paa at pagsusumikap, at ang pantay na pagturing sa bawat mamamayan kahit na sinasabing mayroong kapansanan ang isang tao, dapat ay mayroon ng konkretong aksiyon upang mapagaan ang buhay ng mga may kapansanan at ng kanilang pamilya.

Ayon sa kanila, layunin ng HB05672 na mapagaan at makatulong kahit sa kaunting halaga, ang kalagayang pinansiyal ng mga pamilyang may kaanak na may kapansanan sa pamamagitan ng pagdadagdag ng tax exemption sa ilalim ng pinapairal na National Internal Revenue Code.

Ayon naman kay Velarde, batay sa umano pag-aaral na ginawa ng Asian Development Bank, lumalabas na ang mga taong may kapansanan ang siyang maituturing na pinakamahirap na mamamayan.

Maging sa mga pangunahing pangangailangan ay limitado rin daw ang natatanggap ng mga taong may kapansanan.

Ilan sa mga ito ay ang mga gusaling itinayo na walang probisyon para sa mga taong may kapansanan.

Batay sa HB05672, magkakaroon ng dagdag na tax exemption na P30,000 sa mga taxpayer na may dependent na hindi kayang suportahan ang sarili dahil sa mental o physical defect o may kapansanan.

---