Ipaguutos nang mag-instalar, batay sa panukalang batas na inihain sa Kamara, ng closed circuit television (CCTV) at lighting system sa mga pangunahing lugar sa loob ng parking area ng mga shopping mall.
Sa inihaing HB05718 ni Bagong Henrasyon partylist Rep Bernadette Herrera-Dy na tatawaging Car Park Security Act, layunin nito na matugunan ang nakaka-alarmang insidente ng krimen sa loob ng mga parking lot.
Sinabi ni Herrera-Dy na isa umano ang parking lot sa mga lugar na madalas magkaroon ng krimen gaya ng rape, pagnanakaw at iba pang krimen.
Ayon kay Herrera-Dy, binanggit umano sa 2008 Criminal Victimizing Chart na ulat ng Estados Unidos na nagpapakita na ang parking lot ay lugar na may nagaganap na krimen at aabot sa 7 porsiyento ng 4.5 milyong insidente ng krimen, karamihan dito ang 21 porsiyentong carnapping, 11 % ang pagnanakaw, 17% ng panloloob at 6% pagsalakay.
Sa ilalim ng panukala, pananagutin ang may-ari at administrador ng parking facilities sa anumang pinsala ng sasakyan o tao basta nasa loob ito ng kanilang parking area kapag napatunayang hindi ito sumunod sa ipinag-uutos ng batas.
Dapat magkaroon ng minimum recording quality hanggang 30 frames per second ang CCTV at dapat sapat ang pagkakakilanlan, hugis at kulay ng pedestrians at behikulo sa pakay na lugar.
---