Monday, February 27, 2012

Mga opisyal ng barangay, bibigyan ng 10-year fixed term

Isinusulong ngayon sa Kamara ang panukalang naglalayong bigyan ng 10 taong tuluy-tuloy na pagsisilbi sa kanyang nasasakupan ang mga opisyal ng barangay sa buong bansa.

Sa panukala ni Camiguin Rep Pedro Romualdo, ang HB05724, layun nito na amiyendahan ang Local Government Code para magkaroon ng permanenteng petsa ng halalan ang mga nasa lokal na pamahalaan at mabigyan ang mga opisyal ng barangay ng five-year fixed sa loob ng dalawang magkasunod na termino.

Sinabi ni Romualdo na lalabas na 10 taon ang dalawang magkasunod na termino at magiging sapat na umano ang panahong ito upang magampanan ng bawat opisyal ng barangay ang kanilang tungkulin.

Kung tuluyang maisasabatas ang panukalang ito bago matapos ang 15th Congress, nakatakdang ipatupad ang halalang pangbarangay sa Octubre 2015 at gagawin na ito kada limang taon.

Sa ilalim ng RA07160 o ang Local Government Code of the Philippines na kasalukuyang ipinatutupad, mayroon lamang tatlong taon ang termino ng mga barangay officials at maaari lamang silang magsilbi ng hindi lalampas sa tatlong termino.

Ayon pa kay Romualdo, ang mga barangay officials umano ang nagsisilbing frontliners o pangunahing nagpapatupad ng mga batas ng bansa, maging ito man ay polisiya at programa na mula sa national o local government at dapat daw bigyan sila ng sapat na panahon at pagkakataon upang makapagsilbi sa kanilang nasasakupan at ito ay sa pamamagitan ng pagpapalawak sa kanilang termino.

Batay sa panukala, walang sinumang opisyal ng barangay ang maaaring makapagsilbi ng hihigit pa sa dalawang magkasunod na termino.

---