Gagawing isang regular na subject na ang voters’ education sa pampubliko at pribadong paaralan sa high school kapag tuluyan nang naisabatas ang panukalang naglalayong bigyang kaalaman ang lahat ng mag-aaral hinggil sa kanilang karapatan sa pagboto.
Sa panukala ni Paranaque City Rep Edwin Olivarez, ang HB05784, nais niyang maging mandato ng Department of Education (DepEd) na isama sa secondary curriculum ang voters’ education para maunawaan ng bawat mag-aaral ang kanilang karapatan at responsibilidad kapag panahon ng halalan.
Sinabi ni Olivares na layunin ng kanyang panukala, ang Voters’ Education Act, na patatagin, palakasin at buhayin ang patriyotismo at nasyunalismo sa bawat kabataang Pilipino at isa sa mabisang paraan upang gawin daw ito ay ang maituro sa kanila ang kanilang responsibilidad bilang mga kasapi ng pamayanan.
Sa ilalim ng panukala, ang voters’ education ay ituturo ng isang gurong may sapat na kaalaman sa formal at non-formal educational system sa fourth year high school sa pamamagitan ng lectures, demonstrations at iba pang paraan ng pagtuturo.
Ang voters’ education course ay ituturo sa pampubliko at pribadong paaralan, maging sa mga out of school youth, at sa mga nag-aaral sa mga tinatawag na Alternative Learning System (ALS).
Isasama rin ang voters’ education subject sa lahat ng mga aralin na may kinalaman sa values formation, ang kahalagahan ng karapatan ng pagboto at ang kasagraduhan ng balota at ang paraan ng pagpili ng mga ibobotong kandidato, at ang proseso ng halalan, kasama na ang proseso ng pagpaparehistro, mga ipinagbabawal sa panahon ng halalan, proseso ng aktuwal na pagboto mula sa pagsusulat sa balota hanggang sa paglalagay ng balota sa ballot box, at ang proseso ng automated elections.
Kasama sa bubuo ng curriculum ng voters’ education ang DepEd, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ang Commission on Elections (COMELEC).
---