Tuesday, January 24, 2012

Usaping pagtanggal ng kursong nursing, hati sa Kongreso

Hati ang opinyon ng mga mambabatas sa Kamara sa mungkahi ng Commission on Higher Education (CHED) na dahan-dahang tanggalin ang mga sobrang kurso simula sa school year 2012-2013 para mapigil ang lumalalang unemployment ng libu-libong mga graduate taun-taon.

Sinabi ni Una Ang Pamilya partylist Rep Reena Concepcion Obillo na nakakalungkot umano na ang mga kabataan na mag-enroll sa naturang kurso ay sa bandang huli, magtatrabaho sa ibang bansa na hindi naman sa linya ng nursing ang pagtatrabahuan at nakakasama lamang ng loob dahil sinasamantala ng ilang private school ang paghikayat na mag-enrol ng nursing para lamang lumaki ang kanilang enrollment at kinikita.

Gayunpaman, sinabi ni Obillo na dapat linawin ng CHED kung hanggang kailan tatagal ang moratorium sa oversubscribed courses dahil maaring mahaharap ang bansa sa kakulangan ng mga professional na plano nilang alisin.

Ngunit sa bahagi naman ni Kabataan partylist Rep Raymond Palatino, hindi siya sang-ayon sa mungkahi ng CHED na alisin ang sobrang mga kurso gaya ng Bachelor of Science in Nursing and business education programs, Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management, BS Accountancy at iba pang katulad na kurso.

Ayon sa kanya, ito raw ay sobrang nakaka-alarma na ipapahinto ng bansa ang training ng mga bagong titser at health workers, samantalang kailangang-kailangan sila ng bansa lalo na doon sa mga mahihirap na komunidad.

---