Umani ng papuri galing kay Bayan Muna partylist Rep Teddy Casino ang pagkilos na ginawa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa public utility bus (PUB) operators na ipatupad ang government-prescribed salary scheme, working hours at minimum benefits para sa lahat ng bus drivers.
Ipinahayag ni Casino na matutuwa na raw ang mga bus driver dahil suwelduhan na sila at walong oras lamang sila magta-trabaho o magmamaneho at talagang nagbunga na umano ang matagal nang plano ng gobyerno para sa mga bus drivers.
Sinabi naman ni Gabriela partylis Rep Luzviminda Ilagan na suportado ng kanilang partido ang mungkahing bigyan ng sahod ang mga PUB drivers.
Ayon sa kanya, nakakatiyak na raw ang mga bus driver na mayroon silang fixed salary at hindi na sila makikipag-agawan ng pasahero at tiyak pa ang kaligtasan sa kalsada.
Sa ilalim ng Memorandum circular 2012-001 na nilagdaan ni Chairman Jaime Jacob, ang compensation scheme na itinakda ng Department of Labor and Employment ay aangkop sa part-fixed-part-performance based scheme.