Wednesday, January 11, 2012

SALN ng mga miyembo ng Kamara, hindi sekreto

Ipinahayag ngayon ni House Secretary General Marilyn Barua-Yap na bukas para saliksikin ng sinuman ang mga Statement of Assets, Liabilities and Net-Worth (SALN) ng mga miyembro ng Kamara de Representantes.

Sinabi ni Yap na mayroon silang standing directive galing House Speaker Feliciano Belmonte, Jr. na ipanatiling bukas ang mga record ng Kamara lalu na sa media at na dapat wala silang pinipiling pagbibigyan ng mga ito.

Nilinaw naman ni Atty Ricardo Bering, hepe ng House Records Service, na bilang mga custodian ng SALN records, sinusunod lamang nila ang batas at ang mga rules and procedures hinggil sa nabanggit na mga dokumento.

Ayon kay Bering, bago magkakamit ng certified true copy ng naturang papeles, isang request ang ia-accomplish ng requesting person na nagbabanggit ng espesipikong layunin para sa request upang maiwasan na ang naturang dokumento ay gagamitin lamang ayon sa itinadhana ng batas.

Para sa praktikalidad, sinabi rin ni Bering na dini-discourage nila ang wholesale request ng mga kopya ng 285 miyembro ng House upang maiwasan ang sitwasyong magkakaroon pa ng maraming repository ng SALN at upang mapanatili ang kaayusan at maseguro ang integridad ng mga record.

Ayon pa sa kanya, bukas ang kanilang tanggapan para sa mga magsasagawa ng research at maaaring silang kumopya ng mga pertinent document na kanilang ninanais.

---