Iimbestigahan ng House Committee on Ways and Means ang hakbang ng Bureau of Internal Revenue na magpapataw ng buwis sa kontribusyon ng mga insurance institutions gaya ng SSS o Social Security System, GSIS o Government Insurance Security System, PhilHealth at ang PAG-ibig Fund.
Sinabi ni Valenzuela Rep Magtanggol Gunigundo na ang direktiba na inisyu ni BIR Commissioner Kim Jacinto-Henares noong nakaraang taon na buwisan ang optional contributions, pensyon at insurance ay hindi umano makatuwiran.
Binatikos ni Gunigundo ang naturang direktiba bilang anti-poor at paglabag sa batas na na siyang nagliliban sa kontribusyon ng mga empleyado mula sa taxation, maging voluntary man o mandatory.
Ayon sa kanya, sobrang ma-aapektuhan umano dito ang mga overseas Filipino workers at ang mga self at part-time employees, pati na ang mga domestic helpers, dahilan para mag-mosyon siya sa komite na imbestigahan ang memorandum.
Ayon naman kay Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez, ito daw ay kontribusyon at hindi dapat ikonsiderang investment gaya ng sinasabi ng BIR, kaya hindi dapat itong buwisan.
---