Isang panukalang batas na naglalayong gawing mandatory ang paglalagay ng iteketa sa mga produktong pagkain na genetically modified organisms (GMO) sa bansa ay inihain upang matiyak ang seguridad at karapatan ng bawat mamimiling Filipino.
Sinabi ni Bayan Muna partylist Rep Teddy Casino na isa sa may mga akda ng HB05247, layunin umano ng panukala na ipaalam sa mga mamimili ang nilalaman ng kanilang binibili at kinakain.
Ayon kay Casino, mahalagang maitaguyod ang karapatan ng mamimili para malaman ang kanilang binibili at kinakain kung may tamang labeling na nakalagay sa food product, lalo na yung mga naglalaman o dumaan sa genetic modifications.
Idinagdag pa ni Casino na mayroong mga kasong nadiskubre na ang genetically modified product ay nakapagdudulot ng malalang sakit sa katawan ng tao at maging sa kapaligiran.
Naiulat na daw ang mga kasong contamination of crops at ang mga ito ay nadiskubre sa mga kabukiran na malapit sa lumalalang genetically engineered crops.
---