Iminungkahi ni CIBAC party-list Rep Sherwin Tugna sa GSIS o Government Service Insurance System na pag-ibayuhin ang koleksyon sa monthly premium contribution ng mga empleyado ng gobyerno upang matugunan ang pinansyal na pangangailangan ng mga miyembro nito.
Sinabi ni Tugna na ang GSIS ang tanging mapagbabalingan ng mga miyembro sa kanilang pag-utang gaya ng salary, policy, housing at emergency loans.
Ayon sa kanya, bukod umano sa monthly premium contribution inaasahan din ng mga empleyado ng gobyerno ang principal benefit package ng GSIS tulad ng compulsory at optional life insurance, separation, retirement, disability benefits na may kaugnayan sa aksidente at pagkamatay.
Noong June 2011, dagdag pa ni Tugna, ang average monthly pension na natanggap ng isang old-age pensioner ay P8,650, ang survivor of a deceased ay P2,442 at ang disability at survivorship ay P1,647.
Ang nakuhang benepisyo ng mga miyembro sa GSIS ay hindi sapat para matiyak ang kanilang kinabukasan bagaman at nagsilbi sila ng mahabang panahon sa gobyerno.
Ang isang malaking hamon para sa GSIS ay nahaharap sila sa patuloy na pagbaba ng kontribusyon sa pagbayad ng mga benepisyo at tumaas ng 10% ang taunang binabayarang benepisyo ng GSIS mula sa P17 bilyon sa taong 2000 na naging P32.3 bilyon noong 2007.
Tumaas din ng kaunti ang kontribusyon ng miyembro mula P35 bilyon noong 2000 sa P41 bilyon noong 2007 o dalawang porsiyento ang itinaas kada taon.
Ayon pa kay Tugna, ang ratio of contribution ng benefit payment ay patuloy na bumababa mula sa 2.1 sa 2000 at 1.3 naman sa 2007.