Ipinagtibay na sa Kamara ang HR00204 na humihiling sa Department of Foregin Affairs na magtatag ng Philippine consulate sa estado ng Federation of Malaysia, malapit sa Sabah upang masuportahan ang mga Filipino na umaalis patungong Sabah.
Sinabi ni Albay Rep Al Francis Bichara, chairman ng House Committee on Foreign Affairs, ang naturang resolusyon naglalayong tiyakin ang kaligtasan at proteksyon sa karapatan ng mga Filipino sa Sabah.
Ang Philippine consulate na malapit sa Sabah ang siyang mangangasiwa sa pagproseso ng mga dokumento na kailangan ng mga Filipino doon.
Tinatayang nasa 350,000 ang hindi dokumentadong mga Filipino ang naninirahan sa Sabah na makikinabang mula sa pagka-tatatag ng naturang konsulado.
Ayon kay Bichara, sa pamamagitan ng Philippine consulate, malalaman umano ng ating gobyerno ang kondisyon ng mga nakakulong na Filipino doon at magbigyan sila ng kagyat na tulong.
Sa kasalukuyan ayon pa sa kanya, mayroong 30% na Filipino ang sumasakop sa populasyon sa Sabah na nahaharap sa ‘di-mabilang na mga kaso gaya ng trafficking, detention at labor problems na nangangailangan ng tulong ng ating pamahalaan.
---